top of page
Search
  • Writer's pictureKatoLago Media

Nov 26 | Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari

Updated: Nov 21, 2023



Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 25:31-46


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom.


Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’ Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kalian po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari: ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’ At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan.


Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, nagging dayuhan, nawalan ng maisuot, may-sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?’ At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Magiging Kaibahan sa Araw ng Paghuhukom


A. Pagmamasid

Nakakita ka na ba ng nagtatahip ng bigas? Karaniwan itong ginagawa ng ating mga lola o nanay bago isaing ang bigas para maging kanin. Inilalagay ang bigas na isasaing sa bilao at pipilian ito ng mga bato o mga dumi. Ang mga mapupulot na dumi ay itatapon sa lupa o kaya sa basurahan. Ang matitira ay malinis na bigas upang wala kang pangambang makakagat ng bato habang kumakain. Parang ganito rin inilalarawan sa Ebanghelyo ni Hesus ang paghuhukom sa pagbabalik ng “Anak ng Tao”, ngunit inihambing ni Hesus ang pagpipilian sa mga tupa at kambing. Ano nga ba ang mangyayari?


“At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’” Mateo 25:34-36

B. Paghahawi

Inilarawan ni Hesus ang mangyayari sa wakas ng panahon kung saan mapupunta ang mabubuting tao na inihalintulad Niya sa mga tupa at ang mga masasama na inihambing naman sa mga kambing. Sinabi ni Hesus ang mga ginawa ng mga mabubuti para sila ay mapasama sa kaharian ng Diyos. 


C. Pagtatabas

Pagdating ng huling paghuhukom, ako ba ay tupang mapupunta sa kanan ng Diyos o kambing na mapupunta sa kaliwa?


D. Pagsasaayos

Sa pagwawakas ng taong liturhiko o Liturgical year ay inilalarawan ng sipi ng Ebanghelyo ang huling paghuhukom. Ngunit sa halip na mangaral sa pamamagitan ng mga talinghaga ay inilatag na ni Hesus ang mga dapat nating gawin upang tayo ay makapunta sa langit. Naka-ugat ang Kanyang batayan sa pagmamahal natin sa ating kapwa lalo na ang mga hamak nating kapatid? Sinu-sino nga ba sila?



…Ang mga nagugutom

…Ang mga nauuhaw

…Ang mga dayuhang walang matuluyan

…Ang mga walang damit

…Ang mga may sakit

…Ang mga bilanggo


‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’ Mateo 25:40

Hinahamon tayo ni Hesus na makita natin ang Kanyang mukha sa mga taong nangangailangan. Buksan natin ang ating mga mata, puso at isipan sa mga taong higit na nangangailangan. Hindi lamang ito mga pisikal na pagkagutom o pagka-uhaw. Ang pagdurusa ay maaaring emosyonal o espirituwal. 


Marami tayong pwedeng gawin, kahit pa tayo’y bata pa o walang salapi. Maaari tayong magsimula sa ating tahanan o sa ating klase. Tignan natin kung sino ang kailangan ng makakausap o kaya kahit na simpleng pangungumusta. Maaari rin tayong maglaan ng oras na tumulong sa mga social services ng simbahan o ng ating komunidad. Mag-volunteer na tumulong sa katekesis o kaya sa mga feeding program. 


Sa huli, nasa atin lang ang susi ng ating kaligtasan. Ipinunla na ni Hesus sa ating lahat ang pangaral. Paano nga ba tayo tutugon sa Kanya?


E. Pagdiriwang

Kumatha ng pangako sa Panginoon na maging mabuti sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa araw-araw. 


I-download ang libreng KatoLago worksheet para sa linggong ito 👇




Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

____________________________


47 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page